top of page

Sa Mundong Puno ng Manloloko, Ibahin mo si Celo

Writer's picture: The CommuniquéThe Communiqué

Thomas Catindig August 30, 2023 Sa mundong puro traydor, may isang hindi natinag.


Sino siya?


Isang dakilang manunulat na nakapagsimula ng kagustuhan ng isang malayang bansa. Gamit ang kanyang mga sulat, siya ay nakapagbigay ng takot sa mga kalaban at pag-asa sa kaniyang kabayan.


Walang iba kundi si Marcelo H. Del Pilar, ang tinaguriang “Ama ng Pilipinong Pamamahayag”. Ipinanganak siya sa Kupang (ngayong San Nicolas), Bulakan, Bulacan, noong Agosto 30, 1850. Isang mahusay na gramatika ng Tagalog ang kaniyang amang si Don Julian del Pilar; samantalang isang tagapagsalita at makata ang kaniyang inang si Doña Blasa Gatmaytan, pamilyar na kilala bilang Blasica.


Karangalang ipinagtanggol ni Del Pilar ang mga biktima ng diskriminasyon sa lahi at hinamon ang pagkapanatiko at pagkukunwari ng mga Espanyol. Nakumbinsi niya ang masa na magkaisa at pumiglas sa kalupitan ng mga mananakop.


Taglay ang pusong matapang at paninindigan sa lupang sinilangan, ginising niya ang mga tulog na pananampalataya ng mga Pilipino.


Ano Ambag?


Ambag niya ang mga akdang panulat na ginamit para sa pagbubukas ng kamalayan ng mga kababayan noong panahon ng krisis.


Noong Agosto 1, 1882, itinatag ni Del Pilar ang papel na Diariong Tagalog, na nagbunyag ng pagmamaltrato ng mga prayle at ang pangangailangan ng mga reporma upang palaganapin ang mga ideyang liberal sa mga magsasaka at manggagawa.


Gumawa rin siya ng mga tula at sanaysay na nagpoprotekta sa interes ng mga Pilipino at nakipaglaban para sa pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino at Kastila sa kanyang aklat na "La Soberania Monacal en Filipinas."


Gamit ang kanyang panulat na pangalan, Plaridel, sumulat siya ng mga akdang satire, "Dasalan at Tuksuhan" at "Kaiingat Kayo." at para sa pangkalawakang pang-masa, inilimbag niya ito sa mga pormat ng polyeto (pamphlet) at ipinamahagi ito nang malawakan sa mga probinsya.


Nagawa niyang gawing makabuluhan ang kanyang pagmamahal sa pagsusulat at ito nga ang naging susi upang magbukas ang maraming oportunidad upang mapagtibay ang ating pagkakakilanlan.


Oh Tapos?


Malaki ang impluwensya ni Del Pilar sa larangan ng pagpapahayag, nag-uugnay pa rin hanggang ngayon ang kanyang mga mithiin, upang makamit ang kalayaan ng pamamahayag na humuhubog sa isipan ng Pilipino noon hanggang ngayon.


Tinuruan niya tayong maging kritikal sa mga usapin ng lipunan at maging hamon sa bawat administrasyon. Hindi lamang niya tayo namulat kundi nahubog rin upang hindi na muling maging dayuhan sa sariling lupa.


Bago matapos ang araw na ito ay muling balikan ang mga bakas ng kahapon dahil unti-unti ng nauulit ang lahat. Huwag sayangin ang kalayaan hanggang humihinga ka pa.


Tayo’y maging maingat sa mga impormasyong naririnig at nakikita, dumunong sa mga tamang impormasyon. Huwag natin pabayaan na mawala ang kanyang pinaglaban, manatiling kabahagi at tumindig sa laban ng katotohanan.


Walang manloloko kung walang magpapaloko.


27 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page