top of page

Ipagpaliban ang klase, panawagan ng BulSUans

Writer's picture: The CommuniquéThe Communiqué

Julia Soriano August 02, 2023


LARAWAN: Sitwasyon ng baha sa Bantayan 1st, Bulihan, Malolos, Bulacan noong Linggo ng umaga, Hulyo 30, dulot ng Bagyong Egay at hanging habagat na pinalakas ng Bagyong Falcon.

Kuha ni Aliza Arcilla/The Communiqué

“Hindi waterproof ang mga BulSUan! Pasukan, ipagpaliban!”


Ito ang panawagan ng Students’ for Advancement of National Democracy - Bulacan State University (STAND-BulSU) sa administrasyong Gascon matapos isailalim sa state of calamity ang probinsiya ng Bulacan nitong Agosto 1.


Mahigit sa 228,648 pamilya mula sa 171 na barangay sa Bulacan ang naapektuhan ng bagyong Egay, sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC). Sinundan pa ito ng bagyong Falcon na nagpalakas sa hanging habagat.


Apektado rin ang mga mag-aaral mula Pampanga na ipinailalim na rin sa state of calamity nitong Hulyo 31, at mga taga-Valenzuela na ang ilang bahagi ay nananatiling pa ring lubog sa baha.



Saad ng STAND, mas mahalaga ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro kaysa ipagpilitang simulan ang klase sa Agosto 7, 2023 sa BulSU. Ipinunto rin ng STAND ang epekto sa kabuhayan ng mga pamilya, na nagdadala ng mas malaking pagsubok para sa mga kabataan, lalo na sa panahon ng krisis pang-ekonomiya. Nasa “panimulang halagang” P 100.7 milyon ang pinsala sa agrikultura at kabuhayan, at P 500 milyon naman sa imprastraktura sa probinsiya, sa parehong datos ng PDRRMC.


Para kay STAND Secretary General Sheila Mae Antaran, mainam kung unahin ng administrasyon ang pagbibigay panahon sa kanilang komunidad na makabangon bago buksan ang klase dahil marami rito ang naninirahan sa mga lugar na apektado ng mga bagyo.


“Kung ipagsasawalang bahala lamang ng admin ang concern ng kanilang stakeholders pati na ang kaligtasan ng mga ito, ay patunay lamang na hindi sila na nagsisilbi para sa ating interes at kagalingan. Taliwas sa kanilang sinumpaang tungkulin at responsibilidad,” ani Antaran. Naglabas din ng kani-kanilang pagtutol sa paparating na pasukan ang Rise for Education - BulSU, BulSU Students' Rights and Welfare, BulSUONE, at KASAMA BulSU - Katipunan Student Movement.


Samantala, nagpadala ng petisyon ang Konseho ng Mag-aaral nitong Agosto 1, sa administrasyon ng BulSU hinggil sa kaukulang tugon sa krisis na umaayon sa pangangailangan ng stakeholders nito.


Patuloy naman ang pagtutulungan ng konseho, mga alyansa, at iba pang organisasyon gaya ng Tulong Kabataan - Bulacan na magpaabot ng tulong sa mga apektado.

80 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page