top of page

Huwad Ang Kalayaan Para Sa Tibak Na Mamamayan

Writer's picture: The CommuniquéThe Communiqué

Kier Gatbonton & Clyn Star Hombre

October 11, 2023


Sa lipunang puno ng pagbabanta at pangungutya, totoo nga ba na ang mga Pilipino ay tunay na malaya?


Kung ang pagwagayway ni Emilio Aguinaldo sa watawat ng Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo, 1898 sa Kawit, Cavite ang naging hudyat ng pagiging malaya ng mga Pilipino mula sa mga dayuhan, totoong naging malaya ang mga Pilipino. Pero kung iisipin, naging malaya nga ba talaga ang mga Pilipino o marahil malaya lang tayo sa papel?


Mapanlinlang ang konsepto ng kalayaan; kung totoo nga na ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan, bakit hindi pinakikinggan ang hinaing ng kabataang-mamamayan? Kung ang kaakibat nito ay ang nangyayari sa kasalukuyan, hindi pa rin natin ito nakakamit.


Hindi lang kalidad at aksesibol na edukasyon para sa milyon-milyong mamamayan ang bigong nasusustentuhan ng gobyerno, pati na rin karapatang magpahayag ng katotohanan at maging bokal sa politika ay pilit ding sinisiil ng estado.


Naging matunog kamakailan ang isyu ng red-tagging ng maibalita ang pandadakip sa dalawang dating estudyante ng Bulacan State University o BulSU na sina Jonila Castro, 21 at Jhed Tamano, 22, parehas na volunteers ng Akap Ka Manila Bay na naglalayong itaguyod ang karapatan ng mga mamamayan sa kanilang tirahan, kabuhayan, at ng kalikasan.


Sila ay ilegal na dinampot sa Barangay Lati, Orion, Bataan at huling namataan alas-7 ng gabi noong Setyembre 2.


Apat na lalaking armado na naka-sibilyan di-umano ang dumukot sa dalawang volunteers na lulan ng kulay Gray na SUV. Tanging ang kanilang tsinelas na lamang ang natagpuan sa mismong pinangyarihan. Ayon sa report, matagal ng nakatatanggap ng pananakot at paniniktik ang dalawa bago pa mangyari ang insidente.


Ang mga sangkot na umaalma at tumutuligsa sa sistema ng pamahalaan ay itinuturing na terorista o 'di kaya'y rebelyon na kalaban ng gobyerno. Bagaman tapos na ang termino ng dating pangulo na si Rodrigo Roa Duterte, kabi-kabila pa rin ang mga insidente na ating kinakaharap sa panibagong maka doble-karang administrasyong Marcos-Duterte.


Lantaran na ang iba't ibang uri ng paninira, hindi makataong pagtrato, at inhustisya na kasalukuyang nararanasan hindi lamang ng mga estudyanteng-aktibista sa Bulacan State University, kundi pati na sa ibang panig ng bansa.


Sa paglipas ng panahon, lumilitaw na ang paglalahad ng katotohanan ay banta upang mabunyag ang imkompetensiya ng mga nakaupo sa pamahalaan. Dahil dito, upang mapanatili ang karamihan sa dilim, nangangailangan na patayin muna ang katotohanan. Nangangailangan na busalan ang demokrasya ng bansa.


Kung tutuusin, hindi ang mga maralita ang tunay na kalaban ng estado. Hindi ang pagmulat ng mga mata ang dahilan kung bakit balot sa takot ang mga mamamahayag at ng pagiging aktibista. Hindi mga papel at plakards ang simbolo ng terorismo, kung hindi ang bakas ng takot at pangamba sa mga alagad ng midya. Hindi mga kabataang nais lumaban gamit ang kanilang boses ang siyang dahilan ng karahasan, kundi ang mga taong nakaupo sa silya ng kapangyarihan.


Tinalian ng kung anu-ano para tuluyang mapatahimik. Pilit ikinakadena ang katotohanan at pinoposasan ng mga makapangyarihan. Tuluyang sinisiil at pilitang pinipiil kaya nagpupumiglas. Ang sumisigaw ng katarungan ay kinikitil, ang siyang namumulat ay pilit tinatakpan ng palamuting bubulag sa nakararami. Puno ng takot at pilit binubulag, kaya naman harap-harapang hina-harass, inaalipusta, at niyuyurakan ng mga nasa kataas-taasan.


Hindi ito ang tunay na demokrasya. Hindi ito ang hangad naming hustisya. Karumal-dumal, kalunos-lunos, 'yan ba ang pumo-protekta ng mamamayan? O ang kaya lang pagsilbihan ay ang makapangyarihan? Paano na lang ang kinabukasan kung tayo'y kulong at hindi natututo sa nakaraan? Patuloy na lamang ba tayong magiging alipin ng makapangyarihang mapagsamantala sa kahinaan ng kanilang mamamayan?


Hindi ito ang dahilan para tuluyan tayong matahimik, bagkus dapat pa nating lakasan ang ating boses at ipaglaban ang hinaing ng mamamayan, hinaing ng mga marhinalisado.


Hudyat ang kasalukuyan para tayo ay lumaban. Hudyat ito para mas lalo pa nating tapangan sapagkat buhay ang panawagang mapanagot ang may sala, maging mulat sa katotohanan, gayundin ay ipaglaban ang karapatan. Hindi sa mga panggigipit nagtatapos ang pakikibaka. Patuloy pa rin tayong magsalita sa alam nating tama.


Ang walang katapusan red-tagging, pananakot, at pagpaslang sa mga tibak, mamamahayag, at tagapagtanggol ng karapatang pantao ay siyang patuloy na yumuyurak sa tunay na kahulugan ng demokrasya.


Ang mga taong hangad lamang na makapagmulat at makapagbigay tulong ay sila pang nakararanas ng pananakot at panggigipit. Ilan lamang 'yan sa mga hindi makatarungang gawain ng mga abusado. Mga taong kayang kumalabit ng gatilyo sa sentido.


Sino ang tunay na terorista, sa tingin mo? Hindi ba ang mga makapangyarihan?


Paulit-ulit na tinuturo na ang bansang Pilipinas ay bansang malaya, bansa ng demokrasya—ngunit nasaan ang hustisya? Hustisya na hinahangad ng nakararami, pero tila bakit para lamang sa iilan?

102 views0 comments

Recent Posts

See All

コメント


bottom of page