Kaycee Dionio
December 30, 2023
Higit pa sa mga piraso ng bakal, tingga, at gulong ang mga pampasaherong jeep na bumabaybay sa kalsada. Para sa daan-daang libong tsuper, ito ang kanilang buhay, ang di-mabilang na sakripisyo na nagdadala ng pagkain sa kanilang mesa, at ang simbolo ng kanilang dugo't pawis at hangaring maglingkod sa masa.
Sa mahabang panahon, ito ang naging tanglaw nang maraming pamilya at sagisag ng pagsusumikap ng mga Pilipino. Subalit nagdulot ng karimlan ang nalalapit na jeepney phaseout at napuno nang labis na agam-agam ang natitirang buwan ng taon, lalo na sa hanay ng mga jeepney driver at mga taong umaasa sa kanilang serbisyo.
Hunyo noong 2017 nang mas namayagpag pa ang pagkakaroon ng banta sa mga pampasaherong dyip matapos ilabas ng Kagawaran ng Transportasyon (DOTr) ang Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance. Ito sana ay inaasahang maipatupad noong 2020 ngunit naantala dahil sa pandemya. Layunin nito na magtaguyod ng mas ligtas at epektibong pampublikong sasakyan sa pamamagitan ng pag-phase out sa tradisyunal na mga jeepney kapalit ng mga mini-bus na hindi umaasa sa gasolina o diesel.
Habang mainam ang layunin nitong mapabuti ang kalagayan ng kalikasan at kaginhawaan ng mga pasahero, kalakip ng modernisasyong ito ang tahasang pagtataboy sa mga jeep mula sa kanilang ruta, na siyang sandigan ng mga tsuper na walang ibang kabuhayan kundi ang pagpasada mula umaga hanggang gabi.
Kung isasaalang-alang ang panukalang Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP, lumilitaw na hindi lamang ito tungkol sa suliraning pangkalikasan at transportasyon; ito rin ay usapin ng pagkitil sa hanapbuhay, ligwak na sistema, at ligaw na prayoridad ng pamahalaan.
Tangay ng Sistemang Luray-luray
Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga sasakyan na naglalakbay sa lansangan taon-taon. Tangan ng kanilang mahahabang biyahe ang pagbigat ng trapiko at paglala ng polusyon sa bansa. Dahil dito, PUVMP ang tinitingnan ng pamahalaan bilang solusyon sa ganitong krisis, bagaman walang duda, ito ay kritikal para sa mga tsuper, operator, at mga pasahero.
Mahalagang bigyang-pansin ang mga tradisyunal na jeep na patuloy na naglalabas ng makakapal na usok, ngunit hindi makatarungan ang iindahing pasanin ng mga drayber at operator kung sakaling matuloy ang programa. Sa halip na gobyerno ang sumasalo sa lahat ng pangangailangan ng sistema ng transportasyon, mas lalong hindi nagiging makatuwiran ang modernisasyong tuwinang sinisingil ang marhinalisadong sektor.
Kumpara sa mga tradisyunal na jeep, mas lubos na alagain ang modern jeepneys. Ito ay mas mahal, mas mahirap i-maintain, at mas mataas ang pamasahe na hindi papabor sa mga drayber at pasahero kung ito ang maging pangunahing transportasyon ng publiko.
Sa pagpapatuloy ng PUVMP, inaasahan na aabot sa 2.8 milyong piso ang utang ng mga tsuper at operator. Sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, dagdag pasanin pa ang ang gayong kalaking bayarin sa kanilang hanapbuhay.
Bagaman nag-alok ng tulong pinansyal ang gobyerno sa halagang ₱160,000-360,000, hindi pa tataas sa 7,000 sa 250,000 na operational jeep ang nakatanggap ng subsidiya; ito rin ay limitado lamang sa mga tsuper at operator na miyembro ng kooperatiba. Hindi maitatawid ng gayong katiting na subsidiya ang gutom na nagbabadya sa mga tsuper. Hindi matutugunan ng baryang ayuda ang taas ng singil na ipinataw sa kanila.
Maliban pa rito, obligado silang magbayad ng membership fee at shared capital sa kooperatiba. Sa halip na mapurnada ang boundary system, tataas pa ang kota na kailangan nilang makuha sa kanilang operasyon. Kung ₱800 ang boundary ng isang drayber sa tradisyonal na jeep, maaaring lumobo ito ng ₱1,500 sa modernong jeepney, at hindi pa kabilang dito ang maintenance cost ng modern jeep na hamak na mas mahal kumpara sa tradisyonal na jeep.
Hindi rin lubos na garantisado ang kakayahan ng mga modernong jeep. Dahil magmumula sa ibang bansa ang mga parte nito, hamon din para sa mga tsuper ang paghahanap ng mga angkop na piyesa kung sakaling may sira sa kanilang yunit.
Kapag nagkaroon ng aberya ang modernong jeep, maaaring tumagal ng isang buwan bago ito maayos. Sa panahong ito, walang kita na maaaring malikom ang mga tsuper para ibayad sa kanilang utang. Kung hindi ito mababayaran, dalawa ang maaaring mangyari: kukunin ito ng bangko o lalaki ang interes sa kanilang bayarin. Gayunpaman, mawawala at masasayang pa rin ang lahat ng sakripisyo at paghihirap ng mga tsuper.
Sa kasalukuyan, patuloy silang pinipilit na mag-consolidate bago sumapit ang 2024. Ngunit tutol ang mga tsuper dito dahil para sa kanila, ito ay nangangahulugang pagsuko ng kanilang prangkisa.
Makikita rin ang sunod-sunod na panawagan at protesta ng mga apektadong grupo nitong nakaraan. Lahat ng ito ay may bitbit na mga dahilan.
Masalimuot ang proseso ng pagsuko ng prangkisa at pagsapi sa kooperatiba, ayon sa chairperson ng Manibela na si Mar Valbuena. Dagdag niya, marami na ang nalugmok dito at nawalan ng hanapbuhay; lalong hindi tiyak ang seguridad ng kanilang araw-araw na operasyon—ang dating kontrol na hawak ng mga drayber sa kanilang kabuuang kita ay mapapasakamay na rin ng korporasyon o kooperatiba.
Mas mababa na rin ang kanilang inaasahang kita—mula ₱2,500-3,000, magiging ₱600-750 na lamang ito na maaari pang kaltasan kung hindi nila maaabot ang nakatakdang kota.
Kung ihahambing ito sa car-centric system ng bansa na pangunahing sanhi ng trapiko at congestion sa daan, ang mga pampasaherong jeep ay maliit na bahagi lamang nang mas malaking suliranin sa transportasyon. Sa 81 na sasakyang tumatakbo sa lansangan, dalawa lamang ang bilang ng mga pampasaherong jeep, ayon sa datos ng Department of Energy (DOE) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) noong 2021. Sa kabuuang dami ng sasakyan sa kalsada, 2% lamang ng PUVs ang pumapasada.
Lampas sa airconditioned na e-jeepney, ang kailangan ng mga komyuter ay epektibo at konektadong pampublikong transportasyon. Anumang pagpapalit ang gawin ng pamahalaan sa mga naglulumaang jeepney, kung ang sistema ng transportasyon ang pangunahing problema na bigong malutasan, hindi mangyayari ang pagbabagong kanilang inaasahan.
Mananatiling dehado ang mga komyuter—siksikan pa rin ang mga mananakay at mag-aagawan pa rin ng pasahero ang mga tsuper para maabot ang kanilang kota—at lalo lamang itong lulubha ngayon na may nagbabadyang transport shortage at posibleng pagtaas ng pamasahe.
Dagan-dagang Kahirapan at Kapangyarihan
Taliwas sa hangarin ng PUVMP ang pinupuntirya ng pamahalaan gayong karamihan ng mga tumatakbong sasakyan sa lansangan ay mga pribado. Ang krisis sa transportasyon at pangkapaligiran ay ibinubunton sa maling sektor. Hindi makatarungan na ang ganoong kabigat na tungkulin at kalakhang responsibilidad ay inilalagak sa mga jeepney driver na umaasa lamang sa mumunting kita ng kanilang dyip.
Ang konsepto ng modernisasyon ay isang ilusyon na inilalako ng mga korporasyon upang ibaon sa utang ang mga tsuper. Sa ilalim ng PUVMP, lalo lamang magpapalusog ng karingalan at karangyaan ang mga nasa tuktok, habang mananatiling lugi ang masang Pilipino.
Ang makikinabang dito ay ang mga dambuhalang dayuhang auto companies tulad ng Isuzu, Hino, at Toyota na mamumuhunan sa bansa para “suportahan” ang PUV modernization, kasama na rito ang mga kapitalista at mga pinansyal na institusyon.
Wala pa ring pagbabago ang mukha ng pasismo at kapitalismo; ang mga nasa laylayan ay patuloy pa ring inaapi ng dominanteng orden at mga dambuhalang kapitalista.
Replika pa rin ng kolonyalismo ang modernisasyong sapilitang ipinapalunok sa masa. Sinasalamin ng PUVMP ang matagal nang hamon ng samu’t saring industriya sa Pilipinas—mula sa agrikultura hanggang sa transportasyon, hindi makakatas ang mga Pilipino sa kamay ng mga kapitalista.
Kinabukasan
Bukas, inaasahang higit sa bilang na 60,000 na operator ng PUV, 140,000 na drayber, at 28.5 milyong commuters ang maaapektuhan ng PUVMP.
Ganoon pa rin ang hinaing ng publiko: isang makabuluhang pagbabago para sa lahat.
Dulot ng panganib sa kanilang hanapbuhay at prangkisa, nananawagan ang mga drayber at operator na ibasura ang PUVMP at magpatupad nang mas makatarungang patakaran upang suportahan ang lokal na sektor ng transportasyon.
May ibang alternatibong hakbang na maaaring gawin ang pamahalaan na hindi magpapahirap sa mga tsuper. Isa rito ang paglaan ng sapat na pondo para sa pagmamanupaktura at pagpapabuti ng mga lokal na pampublikong sasakyan, imbes na mag-angkat nang mag-angkat mula sa mga dayuhang kumpanya.
Ang tunay na modernisasyon ay mag-uumpisa sa aksyon at pag-ako ng responsibilidad ng gobyerno. Kailangang maiwasto ang batas sa oil deregulation, direktang mapangasiwaan ang interbensyon ng mga oil cartel, magpataw ng mataas na buwis sa mga inaangkat na sasakyan, at mahigpit na regulasyon sa malalaking auto companies sa bansa at kanilang bentahan.
Ang budget para sa PUVMP kada taon ay hindi sapat, at hindi rin handa ang mga lokal na pamahalaan na pag-aralan ang mga ruta, suplay, at demand ng mga PUV at pasahero. Bagaman hindi pa ganap na handa ang gobyerno upang ipatupad ang programa gayundin ang masang Pilipino, lalo pa’t may kakulangan at aspeto ang programa na hindi talima sa pangangailangan ng publiko; hanggang ngayon ay bingi-bingihan ang pamahalaan sa panawagan ng mamamayan.
Ang ganitong gawi ng gobyerno ay higit pa sa nakikitang negatibo sa mga gawaing protesta ng mga marhinalisado; mas sumisimbolo ito sa kawalang kibo at pagkilala ng mga nakaupo sa hiling at panawagan ng kanilang nasasakupan.
Bukas, pagsapit ng Enero, ay libo-libong tsuper ang mawawalan ng trabaho at milyon-milyong komyuter ang apektado.
Ang dapat na layunin ng PUVMP ay gawing makabago ang transportasyon sa paraang makikinabang ang lahat, hindi lamang ang piling iilan.
Walang sinumang dapat maiwan sa kinabukasang dapat ay para sa lahat.
Comments