Kaycee Dionio
August 25, 2023
Para sa bagong presidente ng Bulacan State University,
Una sa lahat, pagbati.
Ang araw na ito ay isang mahalagang yugto para sa aming mga mag-aaral, at sa ‘yo na siyang guguhit ng kapalaran ng pamantasan.
Hindi ba't isa ka na sa mga gumuhit nito noon?
Ikaw ang bagong sasalubong sa agos na nagmumula sa malalim na bukal ng mga problema at isyung matagal na naming ipinaglalaban.
Ikaw ang magsisilbing mukha ng pagbabago, marapat lang. Ngunit, magbabago nga ba?
Hindi maalis sa aking isip: paano nga ba maisasakatuparan ang tunay na pag-unlad kung ang dating kanang-kamay ng nagdaang administrasyong bingi-bingihan at nagbulag-bulagan sa danas ng mga estudyante ang siyang hahalili?
Hindi ba't may bahid na rin ang iyong kamay ng kaniyang mga pagkukulang?
Sa nakalipas na termino, maraming natunghayan na pagsubok ang pamantasan. Pareho tayong naging saksi sa kakulangan nang maayos na serbisyo ng nakalipas na liderato.
Batid kong alam mo na hindi pa rin lubusang natutugunan ang mga pangunahing suliranin na kinakaharap ng mga mag-aaral at iba pang sektor sa loob ng unibersidad.
Hanggang ngayon, nananatiling matinding hamon kung paano maisusulong ang kalidad ng edukasyon na sana'y pinagtibay na ng administrasyong kinabilangan mo at ngayo'y iyong papalitan.
Sa kamakailang konsultasyong isinagawa ng Tanggapan ng Rehente ng Mag-aaral noong ika-24 ng Agosto, kung saan tanging ikaw lang ang nakadalo, inilahad mo ang iyong mga layunin at programa na tinatawag na TCSA 12-point Development Agenda.
Sa iyong pagtatalakay ng mga plano para sa unibersidad, inilahad mo ang iyong hangaring palakihin ang koneksyon ng pamantasan sa pamamagitan ng modernisasyon.
Kabilang din sa iyong 12-point agenda ang leadership and development para sa mga guro, mag-aaral, at kawani ng BulSU, nakaangkla rito ang pagbibigay prayoridad sa kanilang work-life balance.
Tiniyak mo rin, bilang kandidato sa pagiging lider, ang patuloy na pagtanggap at pakikinig sa tinig ng nakararami, na mariin mong pahahalagahan ang mga karapatan naming mga iskolar.
Bukod pa rito, sinabi mong magkakaroon ng ligtas na espasyo para sa mga estudyante upang maipahayag nila ng buong tapang ang kanilang mga opinyon at saloobin.
Ngunit kung mamatahin nating maigi, maaaring ituring na tila baliktad ang adhikaing modernisasyon at pag-unlad sa kasalukuyang lagay ng pamantasan na iyo ring pinamunuan sa nakalipas na mga taon at pamumunuan pa.
Ano nga ba ang silbi ng mga moderno at magagandang gusali, kung hindi naman naibibigay ang mga pangunahing pangangailangan naming mga mag-aaral?
Nasaan ang tibay ng work-life balance kung hindi maayos ang sistemang itinaguyod ng inyong administrasyon sa loob ng unibersidad sa nagdaang taon?
Ang kakulangan sa mga pasilidad tulad ng silid-aralan, kagamitan, at serbisyo ay patuloy na nagiging balakid sa kalidad ng edukasyon.
Sa ganitong sitwasyon, paano nga ba ninyo maipapatupad ang tunay na modernisasyon at pag-unlad kung ang mga estudyante’t guro ay patuloy na nangangarap ng mas maluwang at maginhawang silid-aralan.
Paano, kung may mga mag-aaral na nag-aagawan sa klasrum dahil sa kakulangan nito at magulong scheduling. Paano, kung kailangan pang dumayo ng mga mag-aaral sa ibang kolehiyo upang makihiram ng klasrum o maayos na palikuran.
At paano, kung kahit nakabalik na tayo sa traditional face-to-face learning ay mayroon pa ring mga instruktor na napipilitang magturo sa mga makikitid at maiingay na koridor magkaroon lamang ng maayos na internet access para sa kanilang online class.
Ngunit higit pa sa isyu ng limitadong pasilidad, simple lang naman ang hangad naming mga mag-aaral: isang lider na makikinig sa aming panawagan at proprotekta sa aming boses, hindi takot sa kritisismo at oposisyon, at hindi isang instrumento ng pasistang gobyerno na naglalayong pabanguhin lamang ang imahe nito.
Kung ang uupo sa puwesto ay subok nang walang malasakit o hindi lubos na nauunawaan ang pangangailangan ng mga mag-aaral, hindi magkakaroon ng tunay na pagbabago.
Magbubunga lamang ito ng patuloy na pagsasawalang-bahala sa mga hinaing ng mga estudyante, patuloy na maiiwan ang mga marginalized na sektor sa unibersidad, patuloy na gigitgitin ang mga mag-aaral na humihiling ng makamasa at inklusibong pamantasan.
Ang hamon para sa ‘yo, bilang bagong presidente ng pamantasan, ay ang pagkakaroon ng "pro-student" na pananaw, na mayroong malalim na pakikisangkot at pag-unawa sa buhay at danas ng mga mag-aaral.
Hindi sapat ang mga pangako lamang.
Hiling ng masa na patunayan mo ito sa pamamagitan ng konkretong plano na may kaakibat na agarang aksiyon at makabuluhang mga hakbang na nagpapamalas ng ganap na pagkilala sa karapatan naming mga estudyante.
Sa bagong presidente, nais ng sektor ng mga mag-aaral na hindi ka lamang sagana sa plataporma at kredensyal, sana ay magkaroon ka rin malasakit sa buong komunidad, na maging bahagi ka namin at maging boses ng mga hindi napakikinggan, tagapagtaguyod ng pagbabago, at huwarang halimbawa ng tunay na liderato.
Ang nararapat na presidente ay maka-estudyante.
Ang nais naming pangulo ay hindi dapat maging simpleng tagapagpatupad lamang ng umiiral na sistema, kundi lider na may malasakit at determinasyon na baguhin ang sistema.
Ang tunay na hamon sa iyo, maghuhugas kamay ka ba sa iyong naging papel sa nagdaan? O handa kang dumihan ito sa ngalan ng pakikipagtuos sa masalimuot na putikang aming kinasasadlakan?
Comments