Sweet Brien Margen, John Bertrand Faigao, John Carlo de Guzman
October 27, 2023
Saan ka pupunta?
May isa pang mundo sa loob ng mundo kung ikaw ay nasa kolehiyo, isang malawak na daigdig na hindi lamang iikot sa apat na sulok ng silid-aralan. May hatid na mga pinto ng oportunidad na ang pagtuklas ay nasa mga kamay ni Juan.
Balangayan na naman! Isa sa mga kaganapang pumupuno ng kulay sa pamantasan ng Bulacan State University (BulSU). Taunang selebrasyon sa pagitan ng mga recognized student organizations ng BulSU at ng mga BulSUan sa pangunguna ng Office of Student Organizations and Activities (OSOA) at higit sa lahat, ng mga lider-estudyante.
Ngunit, sa likod ng magarbong disenyo, tunghayan ang apat na istoryang tangan ang mga nakakubling danas, ngunit lantad na layunin at adbokasiya ng mga lider-estudyanteng BulSUans.
Kurot: Si Aldrinn at ang kanyang organisasyong BulSU KA.YA.KAP,
Si Aldrinn Joshua D. Policarpio mula sa kurosng CIT Drafting technology 3F-G1 ay ang kasalukuyang Project Manager ng BulSU KA.YA.KAP. Pinili ni Aldrinn na sumali sa organisasyon dahil nais niyang makatulong at magsilbing inspirasyon sa kabataan at sa kapwa niya estudyante. Dahil sa paglahok niya ay marami siyang natuklasan sa kanyang sarili at ngayon ay ginagamit niya ang kanyang mga natutuhan upang makatulong sa ibang tao.
Ngayong Balangayan ayon kay Aldrinn, layunin niya at ng BulSU KA.YA.KAP, na maipakita sa unibersidad ang kanilang mga hangarin, maging salaminin ang esensya nang pagsali sa mga organisasyon.
“Sa kanilang paggawa ng kanta para maipakita ang taos pusong pasasalamat. Bigla ka nalang maluluha kapag iyo nang napakinggan ito at may kurot sa puso na hindi matumbasan ng kahit anong bagay sa mundo,” sambit ni Aldrinn matapos nilang maghatid ng tulong at saya sa mga kabataan sa bundok ng Sitio Haduan at sa Ephesus Orphanage.
May kurot pero hindi pasakit ang hatid nito para kay Aldrinn kundi isang alaala na kailanman ay kanyang maipagmamalaki.
Advocate with Pride: Si Lovely Vasquez at ang kaniyang organisasyon—ang BulSU Bahaghari
Unang taon pa lamang sa BulSU ni Lovely ay natuklasan na niya ang organisasyong Bahaghari.
Ayon kay Lovely, nakita niya itong ligtas na espasyo, partikular para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ Community. Ang BulSU Bahaghari ay isang advocacy-led organization na aniya ay “sakto“ sa mga gusto niyang gawin sa buhay. Sa kasalukuyan si Lovely ang Pangalawang Punong Raya ng BulSU Bahaghari.
“Hindi ako nagkamali sa pagsali sa mga organisasyon, ang isa sa huhulma pa sa ’yo bilang tao.“ Bilang isang advocate, natulungan si Lovely ng BulSU Bahaghari sa pamamagitan ng karanasan sa pamumuno sa isang organisasyon at kung paano ibabalanse ito at ang kaniyang mga pang-akademikong gawain.
Ngayong balangayan sa unibersidad, binigyang-diin ni Lovely na ang pagdiriwang nito ay ang pagpapaalaala sa atin na hindi lamang tayo sa loob ng silid-aralan puwedeng matuto. Hinahasa nito ang pagiging lider-estudyante at pinagyayabong ang puso at dedikasyon na maglingkod sa masang estudyante at sa bayan. Tunay nga na marami pang nakaabang na opportunidad sa labas ng silid upang tumuklas at matuto.
Kabilang na sa opportunidad na ito, si Lovely ay naging team leader ng PridePH Volunteers sa ginanap noong Pride March sa Quezon City, Manila.
Naniniwala si Lovely na marami pang nakaabang para sa adbokasiya at siya ay bukas at handang salubungin ito tungo sa makulay, ligtas at mapagpalayang pamantasan at lipunan.
Puso para sa paggawa ng pelikula: Si Ian Adam Gayem at ang kaniyang organisasyong BulSU Cinephilia
Ang pagsali sa organisasyong BulSU Cinephilia ay ang nagpayabong ng apoy sa puso ni Ian Adam sa paggawa ng pelikula.
Si Ian Adam ay kasalukuyang 4th-year broadcasting student. Aniya, malapit raw sa kaniyang kursong tinatahak ang mga gawain at aral na nakukuha niya sa loob ng organisasyon. "Bago pa lamang makapasok sa organisasyon ay tinuturuan na kami ng mga basics ng pagpepelikula at malaking tulong ito lalo na't madalas na puro production ang mga gawain sa kurso ko."
Ayon kay Ian Adam, layon ng Cinephilia na magkwento gamit ang mga lente at makabuo ng isang komunidad na malapit din ang puso sa pagpepelikula.
Dahil sa nabuo at patuloy na nabubuong komunidad ng organisasyon, marami ang nakakasalamuha ni Ian at naging aral ito sa kaniya kung paano makitungo sa ibang tao. Naging ligtas na espasyo rin kay Ian ang Cinephilia kung saan bukas at malaya siya sa pagbabahagi ng kaniyang galing at karanasan. Sa pagiging bahagi ng organisasyon, naipamalas ni Adam ang kaniyang galing sa ilang naging produksyon.
Nakilala ang BulSU Cinephilia sa proyektong Sine Bulacan o mas kilala bilang Sibul kung saan creative director siya nito. Bukod pa rito, umani rin ng magagandang reaksyon mula sa manonood ang kanilang feature film na pinamagatang "Eugene Saves the Day" na kung saan siya naman ang production designer. Ngayon siya na ang Special Projects Department Head ng organisasyon.
Kaya naman, sa pagdiriwang ng Balangayan sa unibersidad, para kay Ian Adam, magandang pagkakataon ito upang maipadama sa BulSUans na masaya at malaki ang maitutulong ng pagiging miyembro ng isang organisasyon.
Hinubog bilang isang Lider-Estudyante: Si Gia Dela Cruz at ang kanyang Organisasyong Rotaract Club of Bulacan State University-Main
High School pa lamang siya nang makitaan niya ng kagalingan ang mga organisasyong sa loob ng pamantasan at dito ay nahubog na siya para maging isang lider-estudyante.
Si Gia, isang 4th year student ng Bachelor of Science in Information Technology ay kasalukuyang Vice President ng Rotaract Club of Bulacan State University- Main, isa sa mga Uni-wide organization sa loob ng ating pamantasan. Naging parte rin siya ng Executive Board ng Office of Student Organizations and Activities bilang Board Member for Public Relations noong 2022-2023
Aniya, mas naging matatag siya sa gitna ng mga pagsubok na kanyang pinagdaanan."Sa Rotaract Club of Bulacan State University-Main ako mas naging matatag sa bawat pagsubok mula noong online setup hanggang bumalik sa face-to-face setup."
Dagdag din ni Gia, nagkaroon siya ng mga bagong abilidad, kakayahan, at koneksyon sa iba't ibang lider-estudyante. Sa bawat pagsali niya sa mga organisasyon, nagiging makabuluhan ang kanyang buhay kolehiyo.
Kung kaya para sa kanya, ang Balangayan ay isa sa mga pinakamagandang aktibidad ng bawat organisasyon na mahubog ang kanilang sarili sa paglayag tungo sa pagkakaisa. "Ang paglayag tungo sa pagiging aktibo, inklusibo, at pagkakaisa."
Katulad ni Gia, ang kanyang paglahok at pakikiisa sa mga organisasyon ang nagsilbi niyang "mapa" para lakarin ang direksyon patungo sa tagumpay. Bagaman, maraming pagsubok, nagpatuloy siya upang hubugin ang sarili na maging isang ganap na lider-estudyante.
Tunay nga na ang pagsali sa mga organisasyon ay isang mainam na paraan upang subukin ang BulSUans at tuklasin ang kaya pang gawin higit para sa komunidad bitbit ang mga layunin na magsisiguro na ang legasiya ng bawat organisasyon ay naipagpapatuloy at mas yumayabong.
Saan ka pupunta?
May isa pang mundo sa loob ng mundo na patuloy tinutuklas ng mga nasa kolehiyo, pagtugon sa mga pinto ng oportunidad na may kaakibat na responsibilidad at ang pag-ako ni BulSUan kailanman ay hindi mapupunta sa kawalan.
Comments