Trisha Mae Casabar
September 04, 2023
“Ang pag-iisa ay hindi simbolo ng pangungulila.” Hayaan mong ipaintindi ko sayo ito sa pamamagitan ng apat na istorya.
Salamin. Repleksyon. Katotohanan. Takbo.
SALAMIN
Halos tatlong minuto na rin akong nakatitig sa salamin nang biglang kumatok sa aking isipan ang sinambit ng estranghero na nakasalamuha ko sa mall.
Ilang sandali pa ay may tumapik sa akin at nilagyan ng piring ang aking mga mata.
“Isa, dalawa, tatlo!”
Pagbibilang ng aking kaibigan bago niya tanggalin ang piring sa aking mga mata. Bumungad ang malakas na pagbati at mahigpit na pagyakap niya sa akin dahil ngayon ang ikalawang anibersaryo ng aming pagkakaibigan.
Hindi niya ipinaramdam sa akin na mag-isa ako sa mundo. Siya ang naging sandalan at tahanan ko sa nakakapagod na buhay. Siya ang bukod-tanging pinagkakatiwalaan ko ng mga sikreto at hinaing sa araw-araw.
Doon ko naisip ang pakiramdam ng estranghero na madalas kong makita sa mall na mag-isa – nakakaawa. Mag-isang kumakain, umiinom ng kape, manuod ng sine at tumatambay. Minsan pa’y naka-earphones o laptop siya, at mag-isang tumatawa sa pinapanuod na bidyo o sumasabay sa himig ng pinapakinggang musika.
Pakiramdam ko ay napakalungkot ng buhay niya at walang gustong makipagkaibigan sa kaniya. Naisipan kong lapitan siya sa unang pagkakataon dahil alam ko ang pakiramdam ng mag-isa – mahirap at puno ng kalungkutan.
REPLEKSYON
Naalala ko tuloy ang latest post tungkol sa pag-inom ng isang babae sa Starbucks Ayala habang gumagamit ng laptop at nagpapatugtog.
Sa pagkakatanda ko, nagsimula ang diskusyon ng ‘eating alone’ noong 2022 dahil sa pagbahagi ng lifestyle blogger na si Rod Magaru ng screengrab ng isang TikTok clip mula sa isang hindi kilalang user na kinuhanan ang isang lalaki na umano'y kumakain sa isang fast food chain sa Quezon City ng mag-isa.
“If I eat alone and you disturb me [in] my own happy place just because your personal take on eating alone is sad, susuntukin kita LOL,” ani ni Magaru.
Dito na nagsimulang magkaroon ng samot-saring pagbabahagi ng opinyon, gayundin ang ilang sikat na vlogger tulad na lamang ng content creator at physician na si Winston Tiwaquen, o mas kilala bilang Dr. Kilimanguru.
Aniya, “Hindi po ‘kawawa’ ang kumain mag-isa sa restaurant. Ginagawa ko rin ‘yan and usually it is because I want peace with myself. Ayoko lang talaga ng kausap. It’s a good exercise for your mental health to eat alone at a restaurant.”
Sinang-ayunan naman ito ng social media artist na si Meiko Montefalco o Master Meiko sa TikTok at sinabing “It does not necessarily mean na malungkot sila or wala sa kanilang sumasama. Meron kasing mga tao na vina-value talaga ‘yung alone time nila. Meron silang ‘me time.’ Kasi doon sila nakakakuha ng peace of mind, ganoon. Parang break from other people, from outside world.”
Ngunit para sa 'tulad kong nasanay na palaging may kasama at may ‘solomangarephobia’ o takot kumain ng mag-isa sa publiko, hindi ako sanay makakita ng tao na mag-isa.
KATOTOHANAN
Tumabi ako malapit sa pwesto ng estranghero. Hindi ako umimik dahil sa hiya, gusto ko lamang iparamdam sa kaniyang hindi siya nag-iisa. Kinuha ko ang aking selpon sa bulsa at inakala niyang kukuhanan ko siya ng litrato at ipo-post sa social media tulad ng ginagawa ng iba, dahilan upang mapukaw ko ang atensyon niya.
Nagsimula ang aming diskusyon at doon ko naunawaan ang kaniyang sitwasyon. Hindi siya tunay na nag-iisa dahil wala siyang kasama, kundi dahil ito ay sarili niyang kagustuhan. Sa ilang pagkakataong inisip kong mayroon siyang pinagdadaanan, ilang pagkakataon ko ring hinusgahan ang kaniyang katauhan.
Ipinaliwanag niya sa akin na ang mga bagay na ginagawa niya ng mag-isa ay paraan niya ng ‘me time’ o self-reflection. Sa pamamagitan nito, mas nakikilala niya ang sarili at nabibigyang halaga ang mga simpleng detalye sa paligid. Nabanggit din niya na tumataas ang kumpiyansiya at tiwala niya sa sarili dahil nagkakaroon siya ng sariling desisyon sa mga kailangan o nais niyang gawin.
Bukod dito, nagkakaroon siya ng pokus sa kaniyang ginagawa tulad ng pagsusulat, pagbabasa o pag-aaral habang inoobserbahan ang mga nasa paligid dahilan upang magkaroon siya ng inspirasyon at pagbutihin ang kaniyang layunin.
Napakunot ako sa aking mga narinig. Ibang-iba ito sa depenisyon ko ng salitang “mag-isa” dahil para sa kaniya, nangangahulugan itong kalayaan at kapayapaan.
Higit sa lahat, pinakatumatak sa akin ang sinabi niyang huwag akong mangamba dahil “ang pag-iisa ay hindi simbolo ng pangungulila.”
TAKBO
Halos tatlong minuto na rin akong nakatitig sa salamin at iniiwasang sulyapan ang reyalidad ng imahe na pilit kong isinasalba.
Ilang sandali pa ay may tumapik sa akin at nilagyan ng piring ang aking mga mata.
“Isa…” Isang tao lamang ang itinuring kong kaibigan, ngunit tila isang libong saksak na ang ginawa niya sa akin dahil sa mga masasakit na salita at matutulis na paninira na sinasabi niya sa akin habang ako ay nakatalikod.
“Dalawa…” Dalawang taon din ang inilaan kong pagtitiis, maipagmalaki ko lamang na mayroon akong ‘kaibigan at kasama’ ngunit ang katotohanan ay kaibigan lang naman ako sa tuwing may kailangan at kasama lamang sa mga masasayang kaganapan sa buhay.
“Tatlo…” Tatlong balde ng tubig din ang nasaksihan ng aking unan matapos kong kalabanin ang sarili at ipaglaban ang ibang tao. Pilit na pinipigil ang pag-aklas sa pinagsamahan at nakasanayan.
Pagbibilang ng aking kaibigan bago niya tanggalin ang piring sa aking mga mata. Bumungad ang malakas na pagbati at mahigpit na pagyakap niya sa akin dahil ngayon ang ikalawang anibersaryo ng aming pagkakaibigan – ngunit para sa akin, ito na ang huli.
Ang mga sandaling iyon ang siyang pagkalas ko sa pagkukunwari, sakit at kalungkutan. Minsan, kung sino pa ang may kasama o nasa grupo ng kaibigan, siya pa ang tunay na nakakaramdam ng pag-iisa.
Marahil tama ang sinabi ng estranghero na ang pag-iisa ay hindi simbolo ng pangungulila sapagkat ang tunay na nangungulila ay ang mga taong pilit ipinagsisiksikan ang sarili sa maling tao dahil takot mag-isa.
Ngayon, nasisilayan ko na sa salamin nang malinaw ang aking mga mata. May bakas pa ito ng sakit ng kahapon. Ang mahalaga ay wala ng piring. Wala ng pagkukunwari. Handa nang harapin ang panibagong bukas ng mag-isa at hindi nabubuhay sa pangungulila.
MUSTA NA SI JUAN?
Sa patuloy na ikot ng mundo marami na ang nagbago; hindi lahat maganda pero may iilang mahirap pa ring maintindihan o sa iba na lang?
"Walang forever?" Gasgas na linya na pero tila sa mga kaganapan ngayon ay ito ang ekspresyon na dapat isabuhay para sa mga takot mag-isa. Nakakatuwang mabasa sa internet ang mga post tungkol sa mga taong nakakaawa raw kasi walang kasama.
Pero hindi ba mas nakakalungkot ang sitwasyon na hindi mo kayang tumayo sa sarili mong mga paa. Malaki ang mundo hindi araw-araw ay andiyan sa tabi mo ang mga taong mahalaga sayo.
Hindi ka ba nasisilaw sa repleksyon na hindi naman ikaw talaga. Kailan mo iisipin ang sarili mo at kakalas sa kadenang ikaw lang ang may gawa?
Takbo.
👏👏