Jerry Carmilotes & Clyn Star Hombre
September 10, 2023
Idinaos ang taunang “Bakit Journ?" sa pangunguna ng The BulSU Journalism Society, kasama ang mga first-year na mag-aaral ng Bachelor of Arts in Journalism noong Setyembre 8, 2023 sa Speech Lab, Federizo Hall.
Sa pagsisimula ng taong pampanuruan 2023-2024, naging malaking palaisipan umano para sa ilang mga estudyante ang kursong Journalism na kanilang kinuha.
'Tulad na lamang ni Fionah Molod, estudyante mula sa BAJ 1A. "Iyong journey ko sa Journalism, wala akong ideya hanggang sa tumungtong ako ng grade 12 at may humila sa akin na kaibigan ko," pagbabahagi ni Molod sa TC.
"Then I fell in love with writing and I enjoyed it kasi nandoon ‘yong freedom ko. You can say kung ano [ang] gusto mong sabihin as long hindi ka nakatatapak ng iba,” dagdag nito
Ang naging pangunahing layunin ng programa ay hubugin ang kakayahan ng bawat mag-aaral, upang mas pahalagahan pa ang kursong Journalism.
Naging daan din ang oryentasyon upang mas maliwanagan ang isipan ng mga ito sa tatahakin nilang kurso.
Bago mag-simula ang oryentasyon, isa sa naging katanungan ni Monika Therese Mante ng BAJ 1A: "Ano-ano nga ba ang gawain ng isang peryodista ng bayan?”
Ibinahagi ng tagapagsalita na si G. Rommel A. Ramos, isang correspondent at Bulacan newstringer para sa GMA Network, na ang tanging gawain ng bawat mamamahayag ay ang "Paglingkuran ang bayan, dahil pundasyon ang journalism.”
Ayon sa mga mag-aaral na dumalo, malaki ang naging ambag ng “Bakit Journ?” upang mamulat sila at masagot ang kanilang mga katanungan.
"Ang pagiging isang journalist ay dapat isinasapuso. Kung may kurakot na politiko, may kurakot din na journalist," seryosong sabi ni Ramos sa oryentasyon hinggil sa katanungan na “Bakit nga ba Journ?”
"Hindi batayan ang pera sa journalism, ang batayan dito ang reputasyon mo. 'Yong ambag mo sa bayan mo, at maibibigay mo sa salinlahi,” dagdag ni Ramos."
Nagbahagi rin ang ilan sa mga dumalo ng kanilang reyalisasyon sa naganap na programa kabilang na si Paul Ocampo mula sa BAJ 1A.
"Inaasahan ko na marami akong malaman sa oryentasyon. 'Yong mga malalaman ko na ito will make me appreciate journalism even more," saad ni Ocampo sa panayam ng TC.
Tulad ng unang mag-aaral, naantig din si ito sa binanggit ni Ramos na naging dahilan upang mas tumibay lalo ang pagmamahal nito sa kursong journalism.
"Kung may pagkakataon na nilamukos ang ginawa ninyong dyaryo, 'wag kayong titigil na magsulat bagkus gawin ni’yo itong motibasyon upang magpatuloy sa laban bilang isang journalist. Minsan ko na din 'yang naranasan sa loob ng 23 taon sa midya," payo ni Ramos sa mga estudyante.
Comentários