top of page
Writer's pictureThe Communiqué

Taas-presyo ng bigas, ramdam ng BulSUans

Floriel Santos and Froilan Hernandez Jr.

September 24, 2023


Eksena tuwing tanghallian sa Bulacan State University (BSU) canteen. Kuha nina Alliah Llanos and Hilmar dela Cruz /The Communiqué


Dismayado ang ilang estudyante at tindera sa Bulacan State University (BulSU) matapos ang pagtaas ng presyo ng rice meals sa loob ng unibersidad dulot ng pagpapatupad ng Executive Order Blg. 39 na nagpapataw ng itinakdang price ceiling sa bigas.


Isa sa apektadong konsyumer si Rachelyn, food technology student na bumibili lamang ng kanin sa canteen (CON) dahil hindi pinahihintulutan magluto sa loob ng dorm. Ayon sa kaniya, mula sa dating P10 kada takal ng kanin na kanyang binibili ay umabot na ito sa P15 ngayon.


"Kasi may budget ka lang, tapos nakakakonsensya rin manghingi ng dagdag baon sa magulang. Pagkakasiyahin mo lang, kasi maraming ka pang expenses pa na kailangan mong paglaanan,” ani Rachelyn.

Apektado rin si Grace, isang criminology student, sa pagsipa ng presyo nito. Mula sa tatlo hanggang apat na kilong bigas na kaniyang binibili noon, ay naging dalawa na lamang ito ngayon matapos umakyat sa halos P53 ang presyo nito mula sa P43.


“Bilang estudyanteng nagdo-dorm at masasabi ko ring hindi naman ganoong kalaki ang kinikita ng aking mga magulang sa kanilang trabaho, napakalaki ng epekto nito sa akin. Laking pagtitipid ang aking ginagawa para lamang makabili ng bigas para sa isang linggo o dalawa,” pahayag niya.


“Pinipilit na makakain tatlong beses sa isang araw, dahil na rin kase sa pagtitipid ay may araw na dalawang beses na lang kumakain,” dagdag pa niya.


Serving ng rice meal kada tao sa isang canteen sa BulSU. Kuha nina Alliah Llanos and Hilmar dela Cruz /The Communiqué


Samantala, pasakit din sa mga rice meal vendor sa BulSU tulad nina Myla at Helen ang taas-presyo ng bigas dahil maraming estudyante ang nagrereklamo tungkol dito. Kaya para makabenta pa rin, binabawasan nalang nila ang takal ng kanin imbes na taasan ang presyo ng kanilang mga rice meal.


“Hirap na hirap na kami, pagod na pagod kami. Tapos hindi sumasakto ‘yong sahod namin don sa bilihin namin araw-araw,” dagdag ni Helen.


Matatandaang nito lamang Agosto, nagkaroon ng malawakang price hike sa bigas kung saan umabot ang retail price nito sa P49 hanggang P60 kada kilo sa ilang palengke.


Isa sa mga itinuturong sanhi ay ang kakulangan ng suplay ng bigas sa merkado na dulot di-umano ng manipulasyon sa presyo at pagtatago nito sa mga warehouse.


"Price cap” sa bigas


Pagsirit ng presyo ng bigas sa palengke ng Malolos, Bulacan. Kuha nina Alliah Llanos and Hilmar dela Cruz /The Communiqué


Bilang pagsunod sa price cap, isa ang rice retailer na si Roxanne sa nagbaba ng presyo ng regular at well-milled rice na kanyang ibinebenta.


“Lugi – dapat, patubo kami ng konti. Ang nangyari, nalugi pa kami ng kwatro. P49 kase presyo [ng well-milled rice sa suppliers] tas ginawa naming P45,” saad niya.


Sa isang kaban ng well-milled rice, pumapatak na P200 ang nalulugi kay Roxanne dahil sa iniatas na price ceiling. Gayunpaman, pinipilit pa rin niya na magbenta nito kaysa mapasara ang kanyang tindahan.


Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) lead convenor, Rowena Sadicon ang pagkakaiba ng well-milled at regular-milled rice. Ayon sa kanya, mas maputi at mas maganda ang kalidad ng well-milled rice dahil dalawang beses itong sumailalim sa gilingan kumpara sa regular-milled na isang beses lang, kaya’t manilaw-nilaw ang kulay nito.


Mabili pa rin naman ang regular at well-milled rice sa tindahan ni Roxanne kahit na hindi kagandahan ang kalidad nito kumpara sa ibang variety ng bigas dahil sa mas mababang presyo.


Agri groups, tutol sa price ceiling


'MAGHAPONG NAKAYUKO.' Pagtatanim ng palay ng mga magsasaka sa Malolos, Bulacan. Larawan mula kay Candy Pagalilauan /The Communiqué


Kinondena rin ng ilang agricultural group ang nasabing naturang price cap dahil makadadagdag makadadagdag lamang ito ng hirap sa mga magsasaka.


Ayon kay AMIHAN National Federation of Peasant Women Secretary General at Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, magdudulot ito ng “matinding pambabarat ng presyo sa palay, dahil sa rule of thumb nila na ang presyong retail ay x2 ng farm gate, o ang itinakdang halaga ng bigas na direktang hinahango mula sa mga magsasaka.


Dagdag pa ni Estavillo, kailangan pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapalakas sa lokal na produksyon imbes na umasa na lamang sa malawakang importasyon ng bigas.


Para naman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kailangan bigyan-pansin ng Administrasyong Marcos ang pagbuwag sa “kartel na siyang nakapagtatakda at nakapag-mamanipulate sa suplay at presyo ng bigas sa lokal na merkado ” para tuluyang bumaba ang presyo ng bigas sa lokal na merkado.


Panawagan ng mga BulSUan


Hiling ng mga BulSUan sa Administrasyong Marcos: dagdag-sweldo at pagpapalakas sa sektor ng agrikultura ang kailangan upang masolusyunan na ang krisis sa bigas.


“Sana ibaba na [presyo ng bigas] kasi ang suweldo hindi tumataas pero ang mga bilhin lalong-lalo na ang bigas tumataas,” ani Myla, isang rice meal vendor sa BulSU.


Aniya, kung patuloy na tataas ang mga pangunahing pangangailangan ng tao gaya ng bigas, mas kaunti na lamang ang mararating ng kanilang sahod sa isang araw.


Para sa estudyanteng si Rachelyn, “kung matututo lang ng tangkilikin ng mga Pilipino ang sariling produkto natin” lalo na ang palay imbes na sumandal sa gawang banyaga, mas bababa ang presyo ng bigas.


“Maayos na sistema at pamumuno” naman ang kailangan unahin ayon sa estudyanteng si Grace dahil kung masisimulan ito, susunod ang mamamayan sa pagbabagong nais ng gobyerno.

79 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page