The Communiqué
August 24, 2023
“No to Teody Presidency!” Ito ang pahayag ng partidong Student Alliance for the Advancement of Nationalism and Democracy (STAND) Bulacan State Uiversity hinggil sa nalalapit na pagpili ng Board of Regents ng pamantasan sa bagong tagapangulo ng BulSU, Agosto 25 sa Commission on Higher Education sa Lungsod ng Quezon.
Saad ng STAND, malabong makamit ang pagbabago sa “ilalim ng liderato ng kanang kamay” ng papaalis na Pangulong Cecilia N. Gascon na si Dr. Teody San Andres. Kundi, pagpapatuloy lamang ng “legasiyang kulang-kulang” ni Gascon ang gagawin nito.
“Mula sa maanomalyang pagmomonopolyo ng bentahan ng mga libro, pangunguna sa red-tagging sa STAND, at kawalang simpatya sa daing ng mga guro at kawani,” dagdag ng partido.
Samantala, opisyal namang inendorso ng partidong BulSUONE (B1) at Katipunan Student Movement (KASAMA) BulSU si Dr. Marwin M. dela Cruz bilang susunod na pangulo ng BulSU.
Pinirmahan ni B1 Chairperson John Emmanuel M. Barleta ang Executive Board Resolution Blg. 2023-001 ng partido noong Agosto 20.
Saad pa ng B1 sa kanilang Facebook page, bukod sa credentials ni Dela Cruz, isa rin ito sa mga “tumitindig para sa karapatan at handang ipaglaban ang boses ng minorya sa bilog na ginagalawan.”
Patunay umano ang pakikibaka ni Dela Cruz para sa sangkaguruan kahit na masuspinde bilang propesor at “ang pagiging inklusibo, bilang isa sa mga nagsulong upang payagan ang cross dressing sa pamantasan noong 2010.”
Dagdag pa ng KASAMA, tanging si Dela Cruz “lamang ang masasabing mayroong tunay at malinis na hangarin para sa mga mag-aaral ng BulSU.” Kasabay naman ng pag-endorso ng KASAMA, ang paghamon nito sa sinomang maluluklok na bagong tagapangulo.
“Hinahamon natin siya na tuparin ang kaniyang mga pangako, plano at pagsilbihan nang lubos at may puso ang lahat ng mamamayan sa ating pamantasan. Nawa ay makinig siya mga magiging kritisismo at suhestiyon ng mga estudyante, faculty at bawat kasapi ng eskwelahan.”
Para naman sa STAND, maging anoman ang resulta “walang ibang sasandigan ang BulSUans kundi ang pagkakaisa at militanteng paglaban na tanging maghahawan sa landas ng tunay na libre, makabayan, makamasa, at siyentipikong edukasyon. “Wala sa namumuno ang kasaysayan; lalo pa, kung wala itong ibang kasanayan kundi pagpapatuloy ng neoliberal na patakaran sa edukasyon na kawangis ng estadong pasista sa mamamayan at papet sa dayuhan,” dagdag pa ng STAND.
Yorumlar