top of page

Sa Loob ng Kampus: Espasyo at Estado ng Transgender Community sa BulSU

Writer's picture: tcacchandle23tcacchandle23

nina Aliza Arcilla at Kathleen Silvino

kasama ang ulat nina Jelmer Cabanza at Christine Espino

June 18, 2024



Likha ni Cyriel Valeroso/The Communiqué


Ang akademya ang humuhubog sa kamalayan ng mga estudyante. Ito ang nagmumulat sa atin sa mga isyung panlipunan, at nag-uudyok sa atin na tumindig upang ipaglaban ang nararapat. Ito ang nag-aanak ng mga propesyonal, mga taong magtutuloy ng mga adbokasiya na itinuro ng paaralan. Ngunit, paano kung ang ang akademya ay mapanghusga at mapangsupil na dahilan upang matakot ang mga estudyanteng ipahayag ang kanilang sarili?


Paano kung hindi ito ligtas na espasyo para sa komunidad ng LGBTQIA? Paano nasisiguro ng isang pamantasan na tanggap nito ng buo ang mga estudyanteng transgender at gender non-conforming?


Noong nakaraang Marso, isang transgender woman na nagngangalang ‘Gen’ (hindi tunay na pangalan) mula sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) sa Manila ang ginupitan ng buhok dahil sa patakaran na kailangang nakaayon ang hairstyle ng mga estudyante sa kanilang biyolohikal na sex upang makapag-enrol sa klase.

 


Transgender o gender non-conforming ang pangkalahatang tawag sa mga taong hindi tumutugma ang gender identity o pagkakakilanlan ng kasarian sa kanilang biyolohikal na kasarian noong kapanganakan. Ang gender identity ay tumutukoy sa pagtingin o pagkilala ng isang tao sa kaniyang sariling kasarian. Maaaring ito ay nakaayon sa biyolohikal na kasarian noong kapanganakan, o maaaring hindi. 


Ang pagtanaw ng lipunan sa usapin ng kasarian, partikular sa mga katangian, pag-uugali at tungkulin ng babae at lalaki ay madalas na nakakaimpluwensiya sa pananaw ng isang tao sa kaniyang kasarian. 

Ayon sa Commission on Human Rights noong 2012, ang mga report na karaniwan nilang natatanggap tungkol sa gender-based discrimination at harrassment sa mga pamantasan ay may kinalaman sa mga patakaran tungkol sa tradisyunal na pagpepresenta ng sarili katulad ng pananamit, hairstyle, pangalan, pronouns, titulo, pagkilos, at boses base sa biyolohikal na sex. Kaakibat ng hindi pagsunod dito ay ang mga parusang suspension, expulsion, kawalan ng pribilehiyong makatanggap ng pagsusulit, pinal grado, makapagtapos ng kurso, makatanggap ng tenure, at iba pa. Kung kaya’t ang transgender woman na katulad ni Gen ay napipilitang sumunod — gupitin ang kaniyang buhok, at putulin ang kaniyang identidad upang makapagtapos ng pag-aaral. 


Estado ng transgender community sa BulSU


Malayamang makapanamit ng kanilang nais na kasuotan ang mga transgender at gender non-conforming students sa Bulacan State University (BulSu), ang pinakamalaking pamantasan sa lalawigan ng Bulacan, kaliwa’t kanan pa rin ang mga kaso ng diskriminasyon ang kanilang nararanasan sa loob ng pamantasan. 


“May mga nare-receive kaming report kadalasan nga ay yung mga transgender people yung mga TGNC, or mga gender non-conforming din. Sa pagtingin namin sa mga cases na iyon, nakikita namin na yung na yung mga reports ay hindi siya students to students. Ang nangyayari ay kadalasan ng teaching [at non-teaching] personnel to student,” pahayag kay Senator Coco Caparas, isang transwoman, advocate, at Chairperson ng Gender Sensitivity and Equity Committee ng BulSU Student Council na kumakalinga sa pangangailangan ng komunidad ng LGBTQIA+ sa loob ng pamantasan. 


Ayon kay Coco, madalas na nangaggaling ang diskriminasyon sa mga guro, lalo na sa loob ng slidi-aralan kung saan kontrolado ng guro ang daloy ng klase. Isang halimbawa ng diskriminasyon sa klase ay ang pagsasagawa mga aktibidad katulad ng pagpapangkat o pag-uuri sa mga estudyante base sa kasarian na “babae” at “lalaki”. Pinapairal ng ganitong gawi sa loob ng pamantasan ang heteronormativity o ang pagpapalagay na lahat ng tao ay heterosexual o mas kilala sa tawag na “straight” (ang sexual orientation ay tugma sa biyolohikal na kasarian). Pinapairal din nito ang ideolohiya na ang heterosexuals ay mas dominanteng identidad kumpara sa nasa spectrum ng LGBTQIA+.


Maging si Coco ay nakaranas ng diskriminasyon sa kanilang klase sa Musika sa porma ng misgendering o ang maling pagtawag o pagkilala sa kasarian ng isang tao.


“During that time, minsan, gino-group kami. Syempre, alam naman natin yung nature ng choir may soprano, alto, tenor, base. So, sa choir kasi totoo naman na kadalasan yung mga biological male, ay may mababang boses.  Biologically women ay matinis. Alam naman natin yung pinagkaiba ng hormones nila. Tapos during that time pinagsabihan niya kami na paghiwalayin daw yung mga babae at saka lalaki. So, ako automatically sa babae ako sumama.,” pagkukwento ni Coco. 


Bilang isang babae, natural na kay Coco na makigrupo sa mga kapwa babae, dahil ito ang kaniyang kasarian. Sa halip na siya ay payagan, pinasama siya ng kaniyang propesor sa grupo ng mga kalalakihan.


“Ang gara kasi non, kasi sabi ko, “Sir, babae po ako.” Tapos, sabi niya, “Hindi diyan ka muna sumama,” dagdag ni Coco.


“Kahit alam ko kung ano yung karapatan ko, wala akong nagawa. Hindi ko alam kung bakit ako nag-froze noong moment na iyon… Very traumatizing siya sa akin kasi nakaka-trigger siya ng gender dysphoria,” pagpapahayag ni Coco ng kaniyang naramdaman pagkatapos ng insidente.


Kahalintulad din ng pangyayaring ito ang naranasan ni Gil, isang transgender woman mula sa Kolehiyo ng Arte at Literatura. 


Ayon kay Gil, nagsasaayos ang kanilang propesor ng kanilang upuan na may pattern na lalaki-babae-lalaki-babae. Subalit, kahit gustuhin ni Gil na umupo sa silya para sa babae, intensyunal siyang nilagay ng kanyang propesor sa pwesto ng lalaki. 


“Nagkataon na lahat kami doon [ay] babae, [at] isa lang ‘yung lalaki. Pinagitna niya ako, tapos bigla siyang nagsabi na "Ay sorry Gil, pero kasi ano [lalaki] ka pa rin naman." Parang on my side nakaka offend,” pagkukwento ni Gil. 


Kahit malinaw na ipinapahayag ni Gil ang kaniyang sarili bilang isang transwoman sa pamamagitan ng pananamit, at pagpapakilala ng kaniyang preferred pronouns at lived name, siya ay naisinasawalang bahala pa rin ng isang miyembro sa pamantasan.


Bukod sa mga kaso na kasangkot ang mga teaching personnels, isa ring pinagmumulan ng diskriminasyon ang mga non-teaching personnels na binubuo ng mga guwardiya, janitors at ipa ba. 


Minsan nang nakaranas ng diskriminasyon sa porma ng pagtanggi sa kaniyang karapatang gumamit ng kaniyang preferred na banyo si Mimi, isang transgender woman mula sa Kolehiyo ng Arte at Literatura. Katulad ni Gil, ‘vocal’ din si Mimi sa kaniyang gender identity at mababakas ito sa kaniyang pananamit, at pagkilos. 


“Malaya naman akong nakakapag-CR… May iisang beses lang talaga na yung isang SWARM  parang pinalabas niya ako sa loob ng CR…Pagpasok ko ng CR, pinatigil niya ako, sabi niya, “Wait.”Tapos tinignan niya ako mula ulo hanggang paa. Tapos nagtanong siya, “Bakit ka dito nagsi-CR, girls ka ba?” pagkukwento ni Mimi sa kaniyang karanasan ng harangin siya ng isang janitor sa preferred niyang banyo. 


“Syempre para sa akin, sobrang sakit kasi naka-lip tint ako noon, naka-blush on, tapos croptop yung suot ko. Tapos, tatanungin niya kung girls ba ako. Hindi pa ba obvious? Parang ganon. Sobrang nakaka-trauma lang kasi… iba talaga yung impact lalo na sa mga trans natulad ko,” pagpapahayag ni Mimi ng kaniyang naramdaman noong mga oras na iyon.


Ayon sa mga medikal na pananaliksik, may negatibong impluwensya ang diskriminasyon base sa kasarian sa mga biktima sapagkat sila ay may malaking probabilidad na mawalan ng pokus sa o di kaya ay huminto sa pag-aaral dulot ng takot, stress, depresyon, kalungkutan, anxiety, panic attackes, isolation, pagkawala ng kumpiyansa sa sarili, pagkalulong sa alak o droga, self-harm, o suicide. Base rin sa therapist na si Elizabeth Keohan,  maaaring makaramdam ng kawalan ng halaga at dignidad sa sarili ang mga biktima lalo na kung ang diskriminasyon ay intensyunal o parang kaswal lamang na gawin ng mga opresor. Ang kawalan din ng aksyon at pananagutan ng mga opresor ay nagdudulot ng pagno-normalize ng diskriminasyon. 


Ano ang maaaring gawin ng pamantasan tungkol dito?


Transgender Non-Conforming (TGNC) Guidelines 

Dahil sa nakakaalarmang sitwasyon ng mga transgender at non-conforming students sa loob ng pamantasan, umakda si Coco ng Transgender and Gender Non-Conforming (TGNC) Guidelines of Bulacan State University sa tulong ng BulSU Gender Sensitivity and Equity Committee na layong bigyang gabay ang mga teaching at non-teaching personnels kung paano itrato/pakitunguhan ng tama ang mga transgender at gender nonconforming students. Layon din ng guidelines na isulong ang inklusibo, gender-fair, at ligtas na espasyo sa pamantasan. 


Para sa mga teaching personnels katulad ng mga dean, propesor, o instructors, hinihikayat ng TGNC guidelines na ang mga sumusunod na kaugalian na maaaring i-praktis sa kanilang klase o opisina.


  • Tanungin ang estudyante kung ano ang kanilang lived names, pronouns, at honorifics/titles. Ang lived name ay ang ginagamit na personal o propesyonal na pangalan ng isang tao na angkop sa kanilang gender identity sa halip na birthname o legal na pangalan. Ang pagkilala sa lived name ng isang transgender o gender non-conforming student, ay pagkilala rin ng kanilang identidad. Ang pagsasawalang bahala nito sa paraan ng deadnaming o misgendering (pagtanggi o hindi paggamit ng kanilang lived name) ay may negatibong epekto sa mental health ng estudyante katulad ng anxiety at stress.


  • Ang pronouns o panghalip naman ay ang pangtukoy sa isang tao. Hindi tulad sa Filipino na walang implikasyon ng kasarian ang mga panghalip, sa English ay mayroong he ,she, o they. Hinihikayat din itong itanong sa mga estudyante at gamitin sa pakikipagtalastasan sa klase, at porma o di pormal man na dayalogo, bilang panggalang sa kanilang identidad, at maiwasan ang misgendering.


  • Hinihikayat ding gamitin ang preferred na mga honorifics/ titles na tumutukoy sa mga titulo sa tabi ng pangalan katulad ng Mr./Ms./Mrs. na kadalasan ay ginagamit sa mga dokumentong pang-akademiko katulad ng examination papers, letters, o forms

31 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page