top of page
Writer's pictureThe Communiqué

Laban vs 'jeepney phase out,' kinasa ng grupong pumapasada sa Bulacan

Updated: Nov 26, 2023

Azriel Dela Cruz November 23, 2023

HANAPBUHAY, HINDI HANAP UTANG. Bilang bahagi ng ikinasang protesta, nagtipon-tipon ang mga apektadong drayber at manggagawa, bitbit ang kanilang mga panawagan upang kundenahin ang mandatong pagmomodernisa ng mga tradisyunal na dyip, kahapon, Nobyembre 22. Nakatakdang maganap ang pagtatapos ng kanilang prangkisa at nakaambang jeepney phase-out sa pagtatapos ng taon, Disyembre 31. | Kuha ni Danille Lagman/The Communiqué CITY OF MALOLOS, Bulacan — Nagtipon-tipon ang grupo ng mga tsuper sa harap ng provincial capitol upang magkilos-protesta at kundenahin ang nagbabadyang pagphase-out sa mga tradisyunal na dyip alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan, Miyerkules, Nobyembre 22.

Bilang tugon sa pagdedeklara ni Mar Valbuena, Presidente ng grupong MANIBELA para sa malawakang tigil-pasada na layong ibasura ang jeepney phase-out, nakiisa ang United Calumpit Jeepney Operators and Drivers Association (UCAJODA) - MANIBELA upang manawagan sa mga kapwa drayber na makilahok sa isinasagawang protesta.

Binigyang-diin ng protesta ang pagtutol nito sa nakatakdang deadline ngayong Disyembre 31 para sa filing of consolidation at pag-surrender ng mga prangkisa ng PUV Jeepney Operators sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Alinsunod ito sa inilabas na Department Order No. 2017-011 o mas kilala bilang Omnibus Franchising Guidelines (OFG) ng Department of Transportation (DoTr) noong June 19, 2017. Ayon sa pamahalaan, layon nito na isaayos ang pampublikong sasakyan o kasalukuyang transportation system sa bansa, kabilang dito ang pagiging mas ligtas, komportable at environment-friendly nito sa pamamagitan ng pagpapalit ng mga tradisyunal na dyip sa modern dyip.


Sa ilalim nito, kabilang sa mga hakbang nila na isali sa mga kooperatiba ang mga drayber at operator upang makabili ng isang yunit na pumapalo sa isang milyon hanggang higit dalawang milyon piso. Gayunpaman, ayon din sa kanila kamakailan, ay may posibilidad na hindi ma-phaseout ang mga tradisyunal na dyip basta sumunod ang mga ito sa itinakdang euro engine standard at Philippine Standards of the Trade Industry.


Ayon kay Romy "Pakino" Santiago, presidente ng MANIBELA–Bulacan, hindi malinaw ang ikinakasang consolidation ng LTFRB kaya nangangamba silang hahantong din ito sa pag-phase-out ng kanilang mga dyip.

"Para iparinig at iparating ang aming hinaing na tutol kami sa jeepney phaseout at sa consolidation na hindi namin maunawaan kung saan patungo, sa phaseout din patungo," ani Santiago.

Sinegundahan naman ito ng kasamahang si Reggie Manlapig, aniya ay isang patibong daw ito sapagkat walang mailabas na matibay na konklusyon kung bakit ito ipinatutupad.

"Parang hinuhulog lang kami sa sariling patibong... Pinipilit nila sa amin na mag-consolidate kami kung saan ‘pag nag-consolidate kami, obligado na kaming maki-ayon sa kanila pagdating ng panahon," saad ni Manlapig.


Iba pang apektadong sektor, nakiisa rin sa kilos-protesta kontra jeepney phase-out

LUMAHOK AT MAKIISA SA TIGIL-PASADA. Dumalo rin di-kalaunan sa isinagawang aktibidad ang ilang mga organisasyon at mag-aaral mula sa Bulacan State University bilang suporta sa panawagan ng mga apektadong jeepney drayber at operator. Kabilang sa mga ipinamigay dito ang mga materyales na naglalaman ng hinaing ng transport groups. | Kuha ni Danille Lagman/The Communiqué

Kaalinsabay nito, nagdeklara na rin si Malolos Mayor Christian Natividad ng suspensiyon ng face-to-face classes sa buong lungsod bilang tugon sa 3-day transport strike at hinikayat ang mga paaralan at unibersidad na magsagawa muna ng online o asynchronous learning classes.

Samantala, nagpaabot naman ng imbitasyon ang STAND BulSU sa iba't ibang komunidad ng unibersidad na suportahan ang mga tsuper sa pagboses ng kanilang mga hinaing.

Hindi pinalampas ng ilang kabataang estudyante ang pagkakataong ito upang ipadinig ang kanilang pagtutol sa PUVMP na ayon sa kanila ay magdudulot lamang ng pagpapapahirap sa mga komyuter.

"Bilang estudyante siguro masasabi ko na kapag natuloy itong jeepney phase-out na ito, tataas yung pamasahe, kumbaga it-take advantage ito ng mga modern jeepneys na itataas nila ‘yong pamasahe. Mahihirapan din ako as a student bilang isang commuter ‘di ba," pahayag ng isang lumahok mula sa youth at student sector.

Tugma rin ito sa salaysay ni Santiago nang sabihing isa sa mga unang maaapektuhan ng pagbabagong ito ay mga estudyante dahil sa posibleng taas presyo ng pamasahe.

“Mga nasa more or less nasa 40 siguro itataas nyan…Lahat ng riding public apektado n’yan,” ani niya.

Nakibahagi rin sa protesta si Sen. Althea Trinidad, miyembro ng BulSU Student Government. Ayon naman sa kaniya ang P160,000 na ayuda ng PUVM ay isang band-aid solution at hindi nakatuon sa pagpapanatili sa kabuhayan ng mga drayber.

"160,000 na ayuda. Ah, yun nga eh magkakaroon na naman tayo ng band-aid na solusyon sa napakalaking problema na papasanin ng ating jeepney drivers," sagot ni Trinidad.

"Ang kailangan nila ay yung magsusustina ng kanilang hanapbuhay, ang kailangan nila ‘yong kanilang jeepneys na hindi ma-phase out kasi ito ‘yong pangunahin nilang pinagkukuhanan ng hanapbuhay," dagdag pa niya. Manlapig, Santiago ng MANIBELA-Bulacan, nanawagan sa administrasyong Marcos Jr.

JEEPNEY PHASEOUT TUTULAN. Ang tigil-pasada at kilos-protesta kahapon, Nobyembre 22, ay pinangunahan ng United Calumpit Jeepney Operators and Drivers Association (UCAJODA) - MANIBELA. Kaugnay pa rin ito nang magkakasunod na aktibidades ng mga transport group, kabilang ang PISTON bilang tanda ng pagkundena ng mga ito sa implementasyon ng PUVMP ng gobyerno. | Rhea Sivillena/The Communiqué Dagdag pa rito, nagpahayag ng mensahe si Manlapig para sa kasalukuyang presidente ng bansa.

“ 'Wag po sana kaming ipilit doon sa bagay na hindi namin kaya,” tugon niya.

Sinang-ayunan din ito ni Santiago nang bigyang diin nito ang hiling na dinggin at bigyang-pansin ang kanilang mga hinaing para sa tulad nilang mahihirap, ‘gaya umano ng pangulo noong nangangampanya pa lamang siya. Naniniwala rin ang mga ito na mapakikinggan sila ng pangulo bilang makapangyarihan sa bansa.

“Isang salita lang po ng pangulo tapos na po ang suliranin naming mahihirap na driver,” pahayag ni Santiago.

"Ito po ang paulit ulit naming binabanggit sa kaniya dahil s’ya po ang makapangyarihan, sana madinig nya kaming mahihirap," dagdag pa niya.

“ 'Pag po nawala yung jeepney, wala na kaming alam na hanapbuhay. Karamihan po sa amin wala namang pinag-aralan. Saan kami mag-aapply matatanda na po kami,” kaugnay na saad naman ni Manlapig.

Inaasahang magtatagal ang transport strike ng tatlong araw, mula Nobyembre 22 hanggang Biyernes, Nobyembre 24.

77 views0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires


bottom of page