top of page

Katalistas, nagpakitang-gilas sa PUP Radio Fest 2024

Writer's picture: The CommuniquéThe Communiqué

Froilan Hernandez Jr.

March 24, 2024


Nag-uwi ng iba’t ibang parangal ang ilang broadcasting students mula sa Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) sa ginanap na PUP Radio Festival kahapon, Marso 23.


Itinanghal ang “Karatig Express” bilang “Best Radio News Production,” “Best Script,” at “ Best Infomercial” na binubuo ng grupo nina Alyana De Guzman, Romeo Landayan, Rei Labang, Leslie Salvador habang nasungkit naman ni Alex Alipio ang “Best Male News Anchor.”  


Sa isang panayam, ibinahagi ni Alipio ang kaniyang reaksiyon matapos masungkit ang pagkilala. 


“Laking gulat ko nang sabihin nila na ako ‘yong sinuwerte; ‘di naman na kasi ako nag-expect sa Best Anchor ang gusto ko lang kasi ay [makapasok] ang Karatig Express sa top 3 ” ani Alipio.


Nagbigay din ito ng payo sa mga BulSUan na nais sumabak sa kaparehong klase ng patimpalak.  


“Lagi niyo lang alamin kung para saan kayo lumalaban; ‘wag kayong matakot, ‘wag kayong mapagod patunayan na kaya natin; hanggang may naniniwala sa inyo, ‘wag tayo huminto. Kung hindi ka pinalad ngayon, subukan mo ulit kasi darating at darating ang panahon na ikaw naman ang sus’wertehin.”


Samantala, ginawaran din ng parangal ang “Ayayay! Ako’t Ikaw” nina Joshua Navarro, Hannah Esguerra, at Stephanie Marquez ng “Best Radio Jingle,” “Best Concept,” “Best Sound Design,” at “People’s Choice Award. ”


Habang kabilang din sa lumahok ang grupo nina Sylene Dela Cruz, Xyryll Manahan, Ian Adam Gayem, Justine Ilano, at Decemier Suarez bitbit ang entry na “Labada Chronicles” sa ilalim ng podcasting category.


Sa kabilang banda, nagpahayag ng pasasalamat sa isang Facebook post ang kanilang tagapayo na si Fifi delos Santos dahil sa tagumpay na naiuwi ng kanyang mga mag-aaral.


“Ang saya. Nakakaiyak. First time kasi…Hinding hindi ako magsasawang gumabay sa mga talentong handang sumindak sa laban ng bukas, ng misinformation at disinformation, at iba’t ibang pagsubok na darating sa midya,” saad niya.


Sa kabuuan, nasungkit ng mga Katalista ang dalawa sa tatlong major categories ng naturang patimpalak na nilahukan ng iba’t ibang pamantasan at kolehiyo sa buong bansa.


Sa pangunguna ng DZMC - Young Communicators' Guild (DZMC-YCG) ng PUP– College of Communication, layunin nito na ipakita ang natatanging talento at abilidad ng mga estudyante pagdating sa paggamit ng iba’t ibang uri ng midya.

54 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page