Alyssa Domingo
August 25, 2023
Iginiit ng partidong Student Alliance for the Advancement of Nationalism and Democracy (STAND) Bulacan State University ang kanilang pagtutol kay Dr. Teody San Andres bilang isa sa mga pinapipiliang susunod na tagapangulo ng pamantasan.
Nitong Agosto 24, sa kanilang Facebook Page, nagsasaad ang STAND ng panawagang “Ayaw namin sa Teody Presidency!”
Saad ni STAND BulSU Secretary General Sheila Antaran sa TC, “Ayaw natin na magpatuloy ang legasiya ng administrasyong Gascon na palpak, pahirap, at pasista sa masang estudyante.”
Sakali umanong “maluklok na susunod na presidente,” magiging laganap ang red-tagging o ang pagbabansag bilang terorista na maaaring supilin gamit ang Anti-Terrorism Act of 2020 ng dating Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte.
Batbat din umano ang panunungkulan bilang Executive Vice President ni San Andres ng “pag-atake at pagpapatahimik sa iba’t ibang sektor” ng BulSU sa ilalim ni Gascon.
Sa mga isiinagawang closed-door forums at Talakayan na pinangunahan ng Office of the Student Regent nitong mga nagdaang linggo, hindi nawawala sa usapin ang isyu ng red-tagging at pananatiling mapanganib ng mga espasyo ng pamantasan sa mga estudyante. Gayundin ang paglalahad ng mga isyung kinahaharap ng bawat sektor.
“Ang inaasahan natin ay isang presidente na tunay na pagsisilbihan ang interes ng masang estudyante at ng BulSUans, pati na rin ng iba pang mga stakeholders”, dagdag ni Antaran.
Kinumpirma rin ni Antaran na wala pang nakikitang kalipikadong kandidato ang STAND BulSU kina San Andres, Dr. Reynold Campo, at Dr. Marwin dela Cruz na sumalang sa Search Committee for the BulSU Presidential Elections.
Nauna namang sinabi ng OSR na pagbobotohan ng siyam na miyembro ng Board of Regents ng BulSU ang susunod na pangulo ng pamantasan, alas-10 n.u., Agosto 25.
Pinamumunuan ang BOR nina Hon. Ronald Adamat, Komisyoner ng CHED bilang chairperson at Hon. Cecilia Gascon bilang vice chair.
Miyembro naman sina Senador Joel Villanueva (kinatawan ni Senador Chiz Escudero), Hon. Danilo Domingo (kinatawan ni Hon. Mark Go), Hon. Nerissa Esguerra, direktor ng National Economic Development Authority ng Rehiyon 3, Hon. Julius Ceasar Sicat, direktor ng Department of Science and Technology ng Rehiyon 3, Hon. Rolando Gaspar, tagapangulo ng Federation of Alumni Association, Hon. Bonifacio Esguerra, Jr., tagapangulo ng Faculty Association Union, at Hon. Arianna Marie de Jesus, Student Regent at tagapangulo ng Supreme Student Government.
Ani Antaran, “Kaya rin hindi pa tayo makapanigurado kung sino ang natatanging kandidato kasi parang kagaya lang din ng ibang mga kandidato noong [nagdaang] national elections.”
“Iyong mga tumatakbong presidente ngayon [ng BulSU] ay wala talaga silang kongkretong solusyon sa mga problema natin… kulang na kulang pa ang kanilang presentasyon sa kanilang mga plataporma at plano”, ayon pa kay Antaran.
Comentarios