Esther Clemente
September 6, 2023
"Mula Bulacan patungong buong Pilipinas!" - Maria Alyssandra Briones
Pasok ang pelikulang “Bakit Tumitigil ang Elevator?” bilang finalist sa 2023 Gawad Sining Short Film Festival na mula sa produksiyon ng Bagong Prod at Puto Keyk.
Kapwa alumni ng Bulacan State University (BulSU) ang mga utak sa likod ng pelikula. Binuhay ng direksyon ni Ron Ruzzel Valencia ang panulat ni Maria Alyssandra Briones.
Ayon kina Valencia at Briones, patungkol ang “Bakit Tumitigil ang Elevator?” sa isang Elevator Operator na gumagabay sa mga kaluluwa patungo sa kabilang buhay.
"Kahit sa kabilang buhay, akala man nating nasa dulo na, hindi pa rin huli," ani Briones hinggil sa mensaheng nais iparating ng isinulat na pelikula.
Iniugnay din ni Valencia ang sarili at kabataan sa bida ng kanilang short film. "Minsan talaga kailangan lang natin maniwala sa sarili natin na dapat lagi tayong taas-noong haharap sa buhay," aniya. Bukás naman sa streaming ang pelikula mula Setyembre 15 hanggang Oktubre 8 sa Ticket2Me. Samantala, inaanyayahan naman nina Valencia at Briones ang mga kapwa BulSuan na suportahan ang kanilang likhang sining. Piliin ang "Bakit Tumigil ang Elevator” (o, Bakit tumigil ang elevator) sa Vote for 2023 Gawad Sining Short Film Festival.
Nais naman ni Valencia na tumagos sa mga manunood na “may pagkakataon sa buhay na mahihirapan tayo, may pagsisisi at kalungkutan pero hindi ibig sabihin niyon ay tapos na at wala ng kasunod.” “Sa takbo ng buhay mo ikaw lang ay may kakayahan na kumontrol nito at magpatuloy,” dagdag pa niya.
Nakilala ang pelikula matapos magtamo ng Best Film Poster at Alumni's Choice Award sa Sine Bulacan XI noong Abril 29, 2023, at napabilang din sa official selection ng 10th Nabunturan Independent Film Exhibition nitong Agosto 20.
Comments