top of page

Bagong BulSU prexy inihalal na sa kabila ng pagtutol ng student pol parties

Writer's picture: The CommuniquéThe Communiqué

Alyssa Domingo August 25, 2023

Inihalal na ng Board of Regents ang papalit sa pamumuno ni outgoing university president Cecilia Gascon.

Pasado alas-kwatro ng hapon, Agosto 25, nang opisyal na pinangalanan si Teody San Andres bilang bagong pangulo ng Bulacan State University.

Ito ay sa kabila ng mariing pagtutol ng tatlong partido politikal ng masang estudyante.

Kahapon ay lantarang kinondena ng STAND-BulSU ang kandidaturya ni San Andres sa isang Facebook post.

Para sa kanila, si San Andres ang mukha ng "palpak na serbisyo at pamumuno" ni Gascon bilang siya rin ang nagsilbing Executive Vice President nito.

Samantala ipinahayag ng Katipunan Student Movement (KSM) at BulSUOne (B1) ang pagsuporta kay Merwin Dela Cruz bilang sana'y susunod na pangulo ng pamantasan.

Ngunit bigong dinggin ng natitirang walong miyembro ng BOR ang panawagan ng mahigit 40,000 na estudyante.

Ang kasalukuyang rehente at SG president na si Arianna de Jesus lamang ang tumayong boses ng masang estudyante sa BOR.

Habang nanatiling bingi ang walong iba pa kabilang ang Senador na si Joel Villanueva, CHED Chair Popoy De Vera at ang paalis na si Gascon. "Konti lang ang panahon para makilala ang mga kandidato"


Samantala, nagkaisa naman ang mga partidong ito sa pagkondena sa anila'y maikling panahong iginugol bago ang halalan.

Ito ay matapos ianunsyo ng Office of the Student Regent ang pagkakaurong ng petsa ng Presidential Elections sa Agosto 25 mula sa orihinal na itinakdang petsa, Agosto 29.

“Nagulat din tayo sa balita ni Pres. Arianna na dapat ay August 29 ang eleksyon, pero naging bukas na. So naging mabilis na yung proseso at tinitignan din naman natin yung sitwasyon na ‘yon,” ani KSM Representative Jayjay Pepito.

“Halos ilang oras nalang din 'yung natitira. Sa katunayan, kahit naman mag-oobserba tayo sa mga estudyante, hindi rin talaga alam ng lahat na mayroong ganitong klaseng okasyon o eleksyon na nagaganap at wala na halos tayo magagawa na ganoong panahon nalang ang ibinibigay,” pahayag naman ni STAND BulSU Secretary General Sheila Antaran. Isyu sa pagharap ng mga kandidato sa masang estudyante

Bukod sa maikling panahon ng pagharap sa mga estudyante ay ang komplikasyon din sa komitment at iskedyul ng ilang mga kandidato.

Sa nagdaang Talakayan kahapon, isa lamang sa tatlong kandidato ang personal na dumalo upang harapin ang mga kinatawan ng student minorities at student publication.

Ngunit, agad din namang umalis si San Andres matapos ang presentasyon ng kanyang plataporma.

Ikinabahala naman ito ni D1 Policarpio mula BulSUOne na ayon sa kanya ay hindi na dapat hinayaang umalis si San Andres at kaniyang saksihan ang mga hinaing ng masang estudyante.

Sa kabilang banda, nagawa namang magpaabot ng isang video si Dr. Reynold Ocampo habang suot ang kanyang toga para naman tanggapin ang kanyang post-doctorate degree kahapon.

Habang no-show si Dela Cruz dahil diumano sa kanyang pag-attend sa isang committee hearing bilang kinatawan ng Philippine Association of State Universities and Colleges-NCR.

Dahil dito hindi natuloy ang itinakdang open forum kung saan didinggin dapat ng mga kandidato ang mga tanong at suliraning kanilang kakaharapin mula mismo sa tatlong kandidato.

Sa halip, tumayo na lamang si De Jesus upang aniya'y "bigyang konteksto" ang mga isyung hinaharap ng mga BulSUan na siya ring kahaharapin ng susunod na mamumuno.

Dismayado naman si Antaran sa nangyari sa dapat sana'y open forum.

“Tsansa na sana ng mga estudyante na tanungin yung mga kandidato para sa kanilang mga concerns, sa kanilang mga tindig, sa kasalukuyan nating kinahaharap na mga problema sa BulSU. Pero, kinailangan pa natin itong ipa-abot sa ating student representative," giit niya.

106 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page